Jr. NBA Regional Selection Camp simula ngayon sa Cebu
Magsisimula ang panibagong aksiyon sa basketball ng 2008 Jr. NBA Philippines na ipiniprisinta ng HiSmart sa Cebu ngayon (December 27) at bukas ( December 28) sa pagbubukas ng Jr. NBA Regional Selection Camp sa Sacred Heart Gym sa Cebu City.
May 200 kabataan na pinili ng kani-kanilang school coaches ang lalahok sa skills, aptitude at endurance challenges sa training camp na idinisenyo para ipakilala sa mga kabataang may edad 12-14 ang basketball fundamentals, competitive games, S.T.A.R. (Sportsmanship, Teamwork, Attitude, Respect) values at bigyang importansiya ang kalusugan at kalakasan.
Ang Jr. NBA Regional Selection Camp sa Cebu ay pinamamahalaan ng mga local Jr. NBA coaches na sina Elmer “Boy” Cabahug, Al Solis, Jolly Escobar at Benjie Paras. Sa camp, ang mga batang partisipante ay sasailalim sa shooting skills challenges, dribbling at passing drills, endurance tests, fitness at agility tests at dadalo sa mga seminars tungkol sa health at nutrition ng HiSmart at Gatorade. Ang camp ay magsisimula sa alas-8:30 ng umaga at magtatapos sa alas-5:30 ng hapon sa dalawang araw na nakatakda.
Ang top 20 campers sa Cebu ay pipiliin para lumahok sa Jr. NBA National Training Camp na nakatakda sa February 27 hanggang March 1, 2009 sa Manila. May 20 top campers pa ang pipiliin mula sa Jr. NBA Regional Selection Camp sa Manila na nakatakda sa January 24-25 sa JRU Gym sa Mandaluyong. Ang anim na pinakamahuhusay na campers sa Jr. NBA National Training Camp ang tatanghaling Jr. NBA Philippines Team at mabibiyayaan ng biyahe patungong US kung saan makakapanood sila ng NBA games at sasabak sa US Jr. NBA Team.
Ang Jr. NBA Philippines ay ipiniprisinta ng Hi-Smart. At ang mga kapartner sa programa ay ang Basketball TV, Caltex, Gatorade, at Spalding habang ang official outfitter ay adidas at ang official media partner ay Philippine Star.
- Latest
- Trending