Bernardo, 2-time Olympian yumao

Yumao noong Martes si two-time Olympian Narciso “Ciso” Bernardo dahil sa matagal ng sakit. Siya ay 71 anyos.

Naiwan ni Bernardo, na kumatawan sa bansa noong 1960 sa Rome at 1964 sa Tokyo Olympics maging sa apat na Asian Basketball Confederation championships simula 1960 at 1962 Asian Games, ang kanyang asawang si Rosa at mga anak na sina Noel, Narissa at Beng.

Ang kanyang labi ay nakahimlay sa kanilang tahanan sa San Rafael St. in Mandaluyong City, kung saan nagsilbi itong konsehal sa maraming taon.

Siya ay ihahatid sa kanyang huling hantungan sa Sabado, Disyembre 27 sa Felipe Neri Catholic Cemetery sa Mandaluyong.

Isa sa ipinagmamalaking produkto ng National University, si Bernardo ay naglaro para sa Mariwasa at Crispa sa dating Manila Industrial Commercial Athletic Association, na pinalitan ng Philippine Basketball Association kung saan naging coach din siya ng prangkisa ng Consolidated Foods Corp. at Crispa.

Show comments