Ateneo at San Beda pinaghahandaan ang pagdepensa sa titulo
Matapos makopo ng Ateneo ang back-to-back title sa UAAP at ang ikatlong sunod na titulo para sa San Beda sa NCAA, nakatuon ang dalawang collegiate teams na ito sa kanilang pagdedepensa ng titulo sa susunod na taon.
Kahit mawawala na sina Chris Tiu at Yuri Escueta sa Blue Eagles na nakapagtapos na sa pag-aaral, malakas pa rin ang Ateneo para sa susunod na season.
Ito ay dahil kina MVP Rabeh Al-Hussaini at Finals MVP Nonoy Baclao, kasama ang mga back-up big men na sina Jobe Nkemakolam at Mike Baldos.
Maasahan din ng Blue Eagles si Rookie of the Year awardee Ryan Buenafe na inaasahang pupuno sa maiiwang puwesto ni Tiu, gayundin ng mga role players na sina Bacon Austria at Kirk Long.
Sila ang susi kung bakit isang beses lamang natalo ang Ateneo ni coach Norman Black sa 17 laro ng 2008 season kabilang na dito ang kanilang pag-sweep sa best-of-three championship series kontra sa kanilang karibal na De La Salle University.
Naging susi naman ng panalo ng San Beda sina two-time MVPSam Ekwe at guard Pong Escobal.
Malaking tulong din sina Ogie Menor at rookie Jake Pascual. Sa susunod na taon, hindi na makakasama ng San Beda sina Ekwe at Escobal Graduate na si Ekwe at nasa pro league na si Escobal.
Nabahiran ng kontrobersiya ang NCAA nang ireklamo at magprotesta ang St. Benilde sa kanilang laban sa Bedans kung saan nagsuot ng ibang uniporme si Ekwe.
Binawi ng NCAA Management Committee ang panalo ng San Beda na pinagmulan ng malaking issue na muntik nang umabot sa pagwiwithdraw ng San Beda sa liga.
Ngunit dakong huli ay naresolba din.
Tinalo ng Red Lions ang surprise finalist na Jose Rizal University na kumanpanya ng kanilang pinakamagandang taon sa liga, sa best-of-three finals. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending