Pagpapalit pangalan ng Air21 sa Burger King pag-aaralan pa
Wala pang katiyakan kung maaaring palitan ng Air21 ang kanilang pangalan sa Burger King sa susunod na kumperensiya ng PBA.
Nakatakdang pagpulungan ng PBA Board ang bagay na ito pagpasok ng bagong taon bago aprubahan ang balak ng Express na pagpapalit ng pangalan.
Isa sa malaking katanungang kailangang masagot bago payagan ng board ang Express sa kanilang plano.
“Is Burger King a subsidiary of Air21 or another company where the owner of Air21 has equity with Burger King,” ang tanong na ibinato ni PBA Commissioner Sonny Barrios sa isang simpleng press conference kahapon sa PBA Christmas day game.
Ipinaabot na ni PBA vice-chairman Lito Alvarez kay Barrios ang kanilang planong paggamit ng pangalan ng Burger King sa Fiesta Cup kaya naman sinimulan na ng PBA na pag-aralan ito.
“We’re working on it. PBA legal counsel Atty. Melvn Mendoza, he’s been taking a look at the file, may documentary process kasi ‘yun, I’m not familiar myself. Tutal ang effectivity nun next conference pa naman e,” pahayag ni Barrios.. “We’ll sit down on that next by next year with our lawyers, Atty. Aga Francisco and Bieny Solis (Barrios’ consultant) and Mendoza.”
Ayon kay Barrios, kailangang linawin kung ang Burger King ba ay umbrella company ng Air21 o ibang kumpanya ito dahil kailangang malaman kung anong ‘fee’ ang babayaran ng Air21. Kung ibang kumpanya ang Burger King, kailangan nilang magbayad ng franchise fee ngunit posibleng transfer fee o di kaya’y outright purchase fee ang kanilang babayaran.
Ipinaliwanag ni Barrios na iba ang sitwasyon ng Air21 at Burger King sa San Miguel kung saan bahagi ng kumpanya ng San Miguel Corporation ang San Miguel Beer, Purefoods at ang Barangay Ginebra.
“San Miguel Corp. is a conglomerate, which solely owns subsidiary practically, if not controlled, in terms of percentage. In this case baka iba to,” ani Barrios.
Sa kaso ng Air21 at Burger King, ang Express ay pagmamay-ari ni Bert Lina. Kasama naman ni Lina bilang stockholders sa Burger King sina Ricky Vargas ng Talk N Text, Manny V. Pangilinan, William Yong, Mikee Romero na may-ari din ng Harbour Centre. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending