87 clubs ang puwedeng bumoto sa PhilCycling eleksiyon
May 87 clubs ang maaaring magpartisipa sa eleksiyon ng PhilCycling (Integrated Cycling Federation of the Philippines) na gaganapin sa Enero 16 sa Amoranto Multi-Purpose Hall sa Quezon City.
May kabuuan ding 22 club presidents ang nagfile na ng kanilang certificates of candidacy na dedetermina sa 15 members ng PhilCycling board.
Ang committee na pamumunuan ni Phil-Cycling board member at mountain bike (MTB) commission head Jojo Villa ang sumala sa clubs para sa kanilang eligibility na lumahok sa eleksyon na ginaganap kada ikaapat na taon.
Ilan sa kandidato sa board ay sina Tagaytay City Mayor Abraham “Bambol” Tolentino, Harbour Centre owner Mikee Romero, Danao City councilor at MTB international commissaire Oscar “Boying” Rodriguez, dating Tour champion Modesto Bonzo at dating Tour contender at Talisay vice mayor Juancho Ramores.
Karamihan sa incumbent board members, na kinabibilangan nina Eagle of the Mountain at Tour champion Paquito Rivas, na ibinaba sa 10 matapos ang pagbibitiw ng limang miyembro na nahalal noong Setyembre 2003 special eleksiyon ay naghahangad ng re-election.
Si Pat McQuaid, presidente ng Union Cycliste Internationale o UCI, ang world governing body para sa cycling, ang malamang na sumaksi sa eleksiyon kung puwede siya. Una siyang nakapangako na maging saksi din sa eleksiyon ng Cuban cycling federation sa susunod na buwan.
Inaasahang darating sina Choi Boo Woong, secretary general ng Asian Cycling Confederation, ang continental arm ng UCI, at Haji Abu Samah Wahab, presidente ng Asean Cycling Association.
Si Bert Lina ang incumbent president ng PhilCycling, na sa huling apat na taon ay naging responsable sa pag-angat ng performance ng bansa Southeast Asian Games.
- Latest
- Trending