Sta. Lucia nakasiguro ng quarterfinal slot

Nakasiguro ang defending champion Sta. Lucia Realty ng quarterfinal slot matapos pasadsarin ang sibak na sa kontensiyon Red Bull, 102-98 sa pag-usad ng KFC-PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome kagabi.

Bumangon ang Realtors mula sa 20-point deficit sa ikatlong quarter sa pagbibida nina Joseph Yeo at Dennis Espino tungo sa ikatlong sunod na panalo ng Sta. Lucia para magtapos sa classification round na may 10-8 win-loss slate.

Nagtapos naman ang Bulls na may 5-13 kartada sa kulelat na posisyon at ngayon lamang sila napatalsik sa elimination round matapos ang walong kumperensiya.

Habang sinusulat ang balitang ito ay naglalaban naman ang league leader na Alaska (11-6) at Purefoods (8-9).

Nasiguro na ng Aces ang isa sa dalawang outright semis slot na ipagkakaloob sa top-two teams pagkatapos ng classification round kaya wala nang bearing sa kanila ang kanilang laban kagabi maliban sa placing.

Naghahabol naman ang Purefoods ng outright quarterfinal slot na ipagkakaloob sa No. 3, 4 at 5 teams, upang makaiwas sa wild card phase kung saan paglalabanan ng huling apat na teams ang huling quarterfinal slot.

Determinadong makasilat ang Red Bull nang kanilang itala ang 64-44 kalamangan sa bungad ng third quarter ngunit sa tulong nina Yeo at Espino na tumapos ng 25 at 23 puntos ayon sa pagkakasunod ay nakadikit ang Sta. Lucia sa 73-78 papasok sa huling dalawang minuto ng naturang yugto.

“As Ive said, Red Bull is a very dangerous team even though they are already out of the running,” ani coach Boyet Fernandez ng Realtors na nakatikim ng trangko sa 96-92 matapos ang 19-6 paghahabol ngunit nagbanta pa ang Bulls sa 95-96 sa tres ni rookie Jeff Chan sa huling 1:53 nito.

May pag-asa sa panalo ang Red Bull matapos ang tres ni Magnum Membrere para sa 98-100 4.8 tikada pa ngunit nasiguro ng Realtors ang panalo sa dalawang freethrows ni Espino para sa 102-92 kalamangan, 3.2 segundo na lang. (MBalbuena)

Show comments