Binigyan buhay pa ng Ginebra ang kanilang pumapasag-pasag na tsansang makakuha ng outright semis slot matapos ang 87-82 panalo kontra sa San Miguel Beer sa pagbisita ng PBA matapos ang matagal na panahon sa Batangas City para sa KFC PBA Philippine Cup na ginanap sa Batangas City Sports Complex.
Kailangan na lamang ipanalo ng Gin Kings, sumulong sa 9-8 kartada, ang kanilang huling laro kontra sa Rain or Shine sa Miyerkules para sa tsansang makakuha ng playoff para sa huling awtomatikong semifinal slot.
Nagpamalas ng mainit na laro si JayJay Helterbrand sa pagkamada ng 35-puntos upang pamunuan ang Gin Kings sa pagpapalasap sa Beermen ng ikasiyam na talo sa kabuuang 18-laro at hihintayin na lamang nila ang kanilang magiging kapalaran para makakuha ng awtomatikong quarterfinal slot na ipagkakaloob sa No. 3, 4 at 5 teams pagkatapos ng classification round.
Sibak na sa kontensiyon ang Red Bull, nakareserba na sa Alaska ang isa sa dalawang awtomatikong semifinal slot at nakakasiguro sa quarterfinals ang Talk N Text at Rain or Shine na tabla sa 10-7 kartada, nagpupuwestuhan na rin ang ibang teams.
Dadako ang aksiyon ngayon sa Cuneta Astrodome kung saan hangad ng defending champion Sta. Lucia Realty at ng Purefoods na palakasin ang kanilang tsansa sa quarterfinals para makaiwas sa wild card phase.
Makakaharap ng Realtors (9-8) ang kulelat na Bulls (5-12) sa alas-4:00 ng hapon habang sasagupain naman ng Purefoods (8-9) ang Alaska sa alas-6:30 ng gabi.
Matapos ang 76-65 panalo laban sa Air21, nakasiguro ang Aces ng outright semis slot dahil sa kanilang 11-6 record dahil sa kanilang mataas na quotient laban sa Talk N Text at Rain Or Shine na magkasalo sa kasalukuyan sa 10-7.