Malinis na baraha asam ng Batang Pier
Hangad ng five-time champions Harbour Centre na mapanatili ang malinis nilang kartada, samantalang asam naman ng Magnolia Purewater na maging kauna-unahang koponang nagmamantsa rito.
Nakatakdang magsalpukan ang Batang Pier at ang Wizards ngayong alas-4 ng hapon matapos ang banggaan ng Burger King Stunners at Bacchus Energy Warriors sa alas-2 sa second round ng 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
“I’m sure they want to get back at us, but we are ready,” wika ni Jorge Gallent sa 76-75 pagtakas ng kanyang Harbour Centre sa Magnolia ni Koy Banal sa first round. “The boys are playing well now and they know they roles now, so it’s going to be an exciting game.”
Kasalukuyang ibinabandera ng Batang Pier ang malinis nilang 6-0 baraha sa itaas ng Wizards (6-1), Hapee Complete Protectors (3-3), Toyota Otis Sparks (3-3), Stunners (2-4), Energy Warriors (2-4) at Pharex Generix (0-6).
Bago sagupaing muli ang Harbour Centre ni Gallent, nanggaling ang Magnolia ni Banal sa isang 75-72 pananaig sa Bacchus noong nakaraang linggo.
“We needed that kind of game in time for our big game against Harbour,” ani Banal sa Wizards, muling aasa kina Al Magpayo, Neil Raneses, Dylan Ababou at JP Alcaraz katapat sina expros Reed Juntilla at Boyet Bautista, Rico Maierhofer, Marc Barroca, Edwin Asoro, Benedict Fernandez at Jerwin Gaco ng Batang Pier.
Sa unang laro, maguuna-hang bumangon ang Burger King ni Allan Gregorio at ang Bacchus ni Lawrence Chongson buhat sa magkahiwalay nilang pagkatalo.
Muling pamumunuan nina NCAA stars Ogie Menor, Jason Ballesteros, Marcy Arellano at Borgie Hermida ang Stunners laban kina Patrick Cabahug, Paul Lee, James Martinez at Parri Llagas ng Bacchus, natalo sa una nilang paghaharap, 79-83, noong Nobyembre 13. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending