25-man RP pool ng SBP buo na
Matapos ang ilang tryouts, nakabuo na ng isang 25-man national training pool ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na ihahanda para sa ilang international tournaments sa mga susunod na taon.
Ang nasabing tropa, sinala ni Serbian coach Rajko Toroman katuwang sina coaches Norman Black, Chot Reyes, Eric Altamirano, Alan Gregorio, Yayoy Alcoseba at Fritz Gaston, ay ilalahok sa 25th Southeast Asian Games sa Laos sa 2009, sa 2010 Asian Games at sa 2011 Fiba Asia Men’s Champion-ship.
Kabilang sa mga ito ay sina Cris Tiu, Rabeh Al- Hussaini at Nonoy Baclao ng UAAP champions Ateneo Blue Eagles, Ogie Menor ng NCAA kings San Beda Red Lions at Rico Maeirhoffer at JV Casio ng La Salle Green Archers.
Nasa training pool rin sina NCAA senior’s Most Valuable Player Jason Ballesteros, Fil-Am standout Joey Deas ng Rockhurst University sa Kansas, NCAA juniors’ top player Arvie Bringas ng San Sebastian Staglets at seven-footer Greg Slaughter ng University of Visayas.
Hangad ni SBP president Manny V. Pangilinan na sa nasabing 25-man national training pool magmula ang bubuo sa RP Team na maaaring maglaro sa 30th Olympic Games sa London sa 2012.
Nasa training pool rin sina Jervy Cruz (UST), Marcy Arellano (UE), Mark Barocca (FEU), RJ Jazul (Letran), Dylan Ababou (UST), Mac Baracael (FEU), Ryan Buenafe (Ateneo), JR Cawaling (FEU), Paul Lee (UE), Peejay Barua (La Salle), Martin Reyes at Magi Sison (UP), Rico Fajardo (University of Cebu), Terrel Theophile (Pampanga Buddies) at Philipp Paredes (Reedley).
Ang ilan sa 25-man training pool ay ilalaban sa Asean-CBO Men’s Basketball Invitational sa Pingguo, Guanxi, China na nakatakda sa Disyembre 17-21 bukod pa ang pagsali sa 2009 Fiba-Asia Champion’s Cup sa May, ang Stankovich Cup sa Oktubre at ang training camps sa Serbia at sa United States sa Marso at Abril. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending