Reyes susubukan kung may bisa pa ang mahika sa QC-RP vs World Team
Susubukan ni Efren ‘Bata’ Reyes kung may bisa pa ang kanyang mahika sa pagbubukas ng Q.C. Invasion: Quezon City Philippines vs the World Grand VILLARDS Showdown, sa Trinoma Mall sa Quezon City.
May reputasyon bilang world’s finest billiard super-power, inaasahang ibibigay ng 54 anyos na pool icon ang kanyang lahat ng nalalaman upang banderahan ang RP team sa pinakahihintay na event na ipiniprisinta ng Senator Manny Villar’s Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports, at pamahalaan ng Quezon City na pinamumunuan ni Mayor Sonny Belmonte at City Council Majority Floor Leader Ariel Inton.
“Basta para sa bayan lagi tayong 100 percent,” anang palangiting si Reyes.
Makakasama ni Reyes ang mga dating world champions na sina Alex Pagulayan at Ronnie Alcano, reigning world no.1 Dennis Orcollo, Francisco “Django” Bustamante, Roberto Gomez, Lee Van Corteza at Warren Kiamco sa pagprotekta sa pangalan ng bansa bilang ‘epicenter of pool’ sa tatlong araw na kompetisyon na hatid ng Camella Communities at suportado ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) kasama ang Solar Sports, RPN-9, the Philippine Star at Business Mirror bilang media partners.
Ang star-studded Team Quezon City Philippines ay tiyak hindi papahuli sa Team World, na kinabibilangan din ng tatlong dating world titlists at mga multi-titled veteran internationalists.
Sina dating world champions Mika Immonen ng Finland, Thorsten Hohmann ng Germany at Wu Chia-ching ng Chinese-Taipei ang babandera sa mga bisita kasama din sina reigning World Cup of Pool titleholder Rodney Morris at Charlie Williams ng United States, newly crowned Guinness 9-Ball Tour grand champion Yang Ching-shun ng Chinese-Taipei, Raj Hundal ng England at Fu Jianbo ng China.
Sasabak ang dalawang koponan sa singles, doubles at team event na kahalintulad ng sa pamosong Mosconi Cup na ang mananalo ay tatanggap ng $40,000 cash prize.
- Latest
- Trending