Aces sinorpresa ng Realtors
Pinagana ng Sta. Lucia ang kanilang depensa upang makabangon mula sa 13-point deficit at pinigilan nilang makabawi ang Alaska sa final canto tungo sa kanilang 92-80 panalo sa pag-usad ng KFC PBA Philippine Cup na dumako sa Ynares Center sa Antipolo City kagabi.
Nagbida si Norman Gonzales na tumapos ng 19-puntos, sa pagbangon ng Realtors mula sa 51-64 deficit sa kaagahan ng ikatlong quarter at iposte ang 16-puntos na kalamangan sa ikaapat na quarter matapos ang eksplosibong 34-6 atake.
Nakalayo ang Realtors dahil na rin sa kanilang paghihigpit ng depensa upang iposte ang 85-69 kalamangan sa ikaapat na quarter na sinikap na ibaba ng Aces sa pamamagitan ng 8-0 run para makalapit sa 78-85.
Ang 5-0 produksiyon ni Gonzales ang muling naglayo sa Sta. Lucia, 90-78 papasok sa huling tatlong minuto ng laro na kanilang inalagaan para sa kanilang ikapitong laro sa 13-games na nagbangon sa kanila sa dalawang sunod na talo. Sa likod ng ikaapat na talo ng Aces na may siyam na panalo, nananatili silang matatag sa pangkalahatang pamumuno.
Dadako ang aksiyon sa Tacloban City kung saan magsasagupa ang Air21 at ang Purefoods sa Tacloban Convention Center sa alas-5:00 ng hapon.
Hangad ng Express (6-6) na makabangon sa kanilang 105-108 pagkatalo sa overtime laban sa TJ Giants (6-7) sa kanilang unang pagkikita.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyan pang naglalaban ang Rain Or Shine (6-6) at ang kulelat na Red Bull (3-8) na hangad makabangon sa limang sunod na talo.
- Latest
- Trending