Alaska susubukan ng Sta. Lucia
Bitbit ang 700-panalo, sasagupain ng league-leader na Alaska ang defending champion Sta. Lucia Realty sa pagpapatuloy ngayon ng KFC PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang Alaska ang ikatlong team pa lamang na nakarating ng 700 panalo matapos ang San Miguel at Ginebra kaya’t mataas ang kanilang morale sa pagsagupa sa Realtors sa alas-5:00 ng hapong sagupaan.
Tinalo ng Aces ang Talk N Text, 113-86 para sa kanilang pagsulong sa 9-3 panalo-talo na nagpahigpit ng kanilang kapit sa liderato at nakasunod sa kanila ang San Miguel na may 8-5 kartada.
Kabilang naman ang Realtors sa four-way-tie sa 6-6 record kung saan katabla nila ang Air21, Talk N Text at Rain Or Shine nakatakda namang sumagupa sa kulelat na Red Bull sa alas-7:30 ng gabi.
Inaasahang babandera sa Alaska sina two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller, Sonny Thoss, Reynel Hugnatan, John Ferriols, LA Tenorio at Larry Fonacier
Para naman sa kanilang hangarin makabangon sa dalawang sunod na kabiguan, naririyan sina 2007 MVP Kelly Williams, Rookie of the Year Ryan Reyes, Dennis Espino, Marlou Aquino at Bitoy Omolon para sa Sta. Lucia.
Sa unang pagkikita ng Alaska at Realtors, nanalo ang Aces sa 95-89 noong November 7.
Sisikapin naman ng Bulls na makabangon sa limang sunod na kabiguan na siyang dahilan ng kanilang pagbagsak sa 3-8 kartada. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending