Panalo asam ng Generix
Hangad ng Wizards na mapanatili ang pagiging second-placer, samantalang ang mailap na kauna-unahang panalo naman ang puntirya ng minamalas na Generix.
Haharapin ng Magnolia Purewater ang Burger King ngayong alas-4 ng hapon, habang sasagupain naman ng Pharex ang Hapee Toothpaste sa alas-2 sa 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Makaraang yumukod sa five-time champions Harbour Centre Batang Pier, 75-76, binigo naman ng Wizards ang Complete Protectors, 83-76, noong Martes.
Ibinabandera ang malinis na 5-0 kartada, tangan ng Batang Pier ang pamumuno kasunod ang Wizards (3-1), Complete Protectors (2-2), Burger King Whoppers (2-2), Bacchus Energy Warriors (2-3), Sparks (2-3) at Generix (0-5).
Sa inisyal na laro, asam naman ng Hapee na makabangon buhat sa nasabing kabiguan sa Magnolia, samantalang target ng Pharex ang kanilang kauna-unahang panalo makaraan ang apat na kamalasan.
Samantala, sa Women’s Philippine Basketball League, dinurog ng Nutri-C-Ateneo ang Oracle Residences-Far Eastern University, 69-51, sa Lyceum gym sa Intramuros.
Dinomina ni SEA Games veteran Cassandra Tioseco ang shaded lane, at magposte ng 17 points at eight rebounds para ibigay sa Lady Eagles ang ikatlong panalo sa apat na panimula.
Sa naunang laro, nakapasok din sa win column ang Muscle Tape-Lyceum matapos ang makapigil-hiningang 69-67 panalo sa Mail & More. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending