Sumandal ang Adamson sa kanilang impresibong floor defense at sa power game ni Angela Benting upang muling igupo ang University of Santo Tomas, 25-22, 25-18, 22-25, 25-23 at manatiling bukas ang kanilang tsansa sa ikalawang sunod na kampeonato sa Shakey’s V-League sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Umiskor si guest player Neriza Bautista ng back-to-back hits at nagpakawala naman si Janet Serafica ng service ace upang makabangon ang Lady Falcons mula sa 22-23 deficit sa fourth set at idikit ang laban, 1:36 minuto na lamang.
Maganda ang ipinamalas na laro ni Benting sa pagsusumite ng 22 hits habang nagdagdag si Bautista ng 20 kills upang pamunuan ang Lady Falcons sa ikalawang sunod na panalo laban sa three-time champions na tinalo nila sa 25-23, 21-25, 9-25, 20-25 sa eliminations ng ligang hatid ng Shakey’s Pizza.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Adamson para makausad sa championship round sa ikalawang sunod na pagkakataon matapos talunin ang Ateneo sa finals ng first conference ng tournament na inorganisa ng Sports Vision.
Naging matagumpay naman ang San Sebastian sa paggapi sa La Salle kung saan mainit na paghihiganti ang kanilang ibinigay sa pamamagitan ng 25-21, 25-19, 22-25, 20-25, 15-9, at makauna sa kanilang best-of-three series ng Final Four duel.