Hindi alintana ng 22-anyos na si Filipino super bantamweight sensation Rey “Boom Boom” Bautista ang pagiging beterano ng 31-anyos na si Mexican Heriberto “Cuate” Ruiz.
Sa panayam kahapon ni Dennis Principe sa kanyang ‘Sports Chat’ program sa DZSR Sports Radio mula sa Las Vegas, Nevada, sinabi ni Bautista na hindi niya kinatatakutan si Ruiz.
“Preparado na ako sa laban na ito at hindi ako natatakot sa kanya kahit na beterano na siya sa laban,” wika ni Bautista kay Ruiz.
Nakatakdang sagupain ni Bautista si Ruiz sa undercard ng world light welterweight championship nina Ricky Hatton at Paulie Malignaggi sa Nobyembre 22 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ibabandera ng tubong Tagbilaran City, Bohol ang 26-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 19 KOs, habang dadalhin naman ni Ruiz ang kanyang 37-6-2 (23 KOs) card.
Matapos mabigo kay dating Mexican world super bantamweight champion Daniel Ponce De Leon via first-round TKO noong Agosto ng 2007, tatlong sunod na panalo ang kinuha ni Bautista.
Halos isang buwan nang nagsasanay si Bautista, kasabay si Michael Domingo, sa training camp ni Floyd Mayweather, Sr., dating trainer ni Oscar Dela Hoya, sa Las Vegas.
“Nasa kondisyon na ako ngayon kahit na one week pa ang laban. Training lang palagi ang ginagawa namin dito sa Las Vegas. After training, uwi ng bahay at kinabukasan balik ulit sa gym,” ani Bautista.