Semis cast kinumpleto ng Lady Stags
Sa pamamagitan ng solidong laro ni Lou Ann Latigay, pinabagsak ng San Sebastian College ang Adamson, 25-21; 25-20; 22-25; 25-20 kahapon upang kumpletuhin ang cast ng Final Four sa Shakey’s V-League second conference sa The Arena sa San Juan City.
Umiskor si guest player Suzanne Roces ng dalawang running spikes, habang isang kill naman ang pinakawalan ni Rysabelle Devanadera at umiskor rin ng isang block sa fourth set nang pigilan ng Lady Stags ang tangka ng Lady Falcons na hatakin ang laban sa deciding set upang makopo ang tagumpay.
Nagpakawala si Latigay ng 23 hits, kabilang ang 22 kills nang kanyang pamunuan ang atake ng Lady Stags upang samahan ang Adamson (5-2), La Salle (5-2) at UST (5-1) sa Final Four na nakatakdang magsimula sa Biyernes.
Ito ang ikaapat na panalo ng San Sebastian sa anim na laro at hangad nilang palawigin ito sa pakikipagharap sa St. Benilde sa pagsasara ng single round elims bukas.
Iginupo ng UST ang Lyceum, 25-23; 25-10; 25-20, sa unang laro para solohin ang pamumuno sa torneo.
Ang kanilang tagumpay kontra Ateneo bukas ay magbibigay sa Tigresses ng No. 1 spot sa Final Four kung saan makakaharap nila ang No. 4 squad sa best-of-three series.
“We don’t mind which team will play in the semis as long as our players are in tip top form,” pahayag ni SSC coach Roger Gorayeb.
Nakuha ng Adamson ang first set upang pigilan ang tangkang sweep ng SSC ngunit hindi nila kinaya ang pananalasa ng Lady Stags sa fourth frame kung saan umiskor si Latigay ng back-to-back hits na nagbigay sa Recoletos-based squad ng 19-13 lead.
Nauna rito, kumana ang Tigresses ng siyam na sunod na puntos sa third set para makabangon sa 16-20 deficit at makumpleto ang straight set win laban sa Lyceum.
Tinapos ng Lady Pirates ang single round elims sa 2-5 slate para sa ikaanim na puwesto.
- Latest
- Trending