BACOLOD CITY — Nagsubi si Efren ‘Bata’ Reyes ng walong sunod na racks at makabangon sa isa na namang mahinang simula upang igupo ang kapwa former world champion na si Kunihiko Takahashi ng Japan, 11-4 na nagsulong sa kanya sa Final Four ng First Senate President Manny Villar Cup Bacolod leg na ginaganap sa Garden Royal Function Hall ng Goldenfields Commercial Complex dito.
Masama ang simula ng 54-gulang na pool maestro na nagmintis sa tatlong madadaling tira na nagbigay pagkakataon kay Takahashi, ang 1998 world 9-ball champion, para kunin ang 4-3 kalamangan ngunit lumabas ang mga mahika ng tinaguriang ‘The Magician’-- ang isa ay ginamit niya sa tough-angled bank shot sa red-3 sa eighth frame upang itabla ang laban at sunud-sunod ang kanyang magagandang break at runouts tungo sa kanyang ikatlong panalo sa fifth stop ng prestigious island-hopping series na hatid ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine sports.
Dalawang panalo na lamang ang kailangan ni Reyes para makopo ang $15,000 top prize sa four-day competition na ito na inorganisa ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines sa tulong ng city government of Bacolod sa ilalim ni Mayor Evelio Leonardia at Negros Billiards Stable (NBS) ni businessman Jonathan Sy at sponsored ng Camella Communities.
Susunod na kalaban ni Reyes si Ramil Gallego na nagdimolisa kay Joven Bustamante, 11-7 sa kanilang quarterfinal match.
Ang isa pang semifinals match ay sa pagitan nina veteran internationalist Rodolfo Luat at Michael Feliciano. Pinaglalabanan ang semis habang sinusulat ang balitang ito.