Liderato nasolo ng SMB sa ipo-protestang panalo
Sinayang ng San Miguel ang 19-puntos na kalamangan at nangailangan pa ng dalawang overtime bago maiahon ang 130-129 panalo laban sa Air21 upang masolo ang pangkalahatang pamumuno sa KFC PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa Araneta Coliseum kagabi.
Nabahiran ng kontrobersiya ang panalo ng San Miguel dahil sa isang basket ni Ranidel De Ocampo na nakita sa slowmo na tres na-count lang ng dos na sana ay nagkaloob na sa Air21 ng panalo ngunit ito ay nagtabla lamang ng iskor sa 122-all, para sa ikalawang overtime.
Isang mahusay na defensive stop ang isinagawa nina Jay Washington at Olsen Racela kay Wynne Arboleda sa huling play, isang puntos lamang ang kalamangan ng Beermen para sa kanilang ikaanim na panalo sa walong laro habang nalasap naman ng Express ang back-to-back loss, ikaapat sa pitong laro.
Ayon kay Air21 team manager Lito Alvarez, nakatakda nilang iprotesta ang resulta ng laban. Inaasahan nilang naitama sana ang tawag ngunit ayon kay technical committee head Ramil Cruz, kailangan nilang ichallenge ang call na hindi nila naisagawa.
“Dapat panalo kami talaga. Kinontest naman naming yung call pero sabi nila wala. Pero dapat kinorek na nila ‘yun. Definitely, magproprotesta kami,” pahayag ni Alvarez.
Hawak na ng San Miguel ang 122-117 kalamangan ngunit umiskor si KG Canaleta ng tres at ang basket ni De Ocampo na nakitang tres sa slowmo.
Ibinaon ng San Miguel ang Air21 sa 19-puntos, 93-74 papasok sa huling 10-minuto ng labanan ngunit bago mapatalsik sa laro si Gary David, pinagbidahan nito ang 20-1 run sa pagkamada ng 18 sa kanyang tinapos na 36-puntos upang iahon ang Express at itabla ang iskor sa 94-all.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Ginebra (2-4) at Rain or Shine (4-3) sa main game kagabi. (MBalbuena)
- Latest
- Trending