Posibleng magwakas na ang halos 30 taon na panga-ngasiwa ng mga Lopez sa Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).
Nakatakdang magdaos ng eleksyon ang ABAP ngayong araw sa Makati kung saan sinasabing iluluklok si PLDT senior vice-president for human resources Ricky Vargas bilang bagong presidente kapalit ni Manny T. Lopez.
Kamakailan ay nakipagusap si Lopez, anak ni dating ABAP chief, Philippine Sports Commission (PSC) chairman at Manila Mayor Mel Lopez, kay PLDT chair Manny V. Pangilinan para sa posibleng pagupo nito sa ABAP.
Si Pangilinan ang kasalukuyang pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), habang si Vargas ang kinatawan ng Talk ‘N Text sa Philippine Basketball Association (PBA).
Kabuuang 17 regional directors ng boxing association ang boboto para sa mga bagong opisyales para sa susunod na apat na taon, kabilang na rito ang pagiging presidente kapalit ni Lopez, ang secretary-general ng Asian Amateur Boxing Federation at miyembro ng executive board ng International Amateur Boxing Association (AIBA).
Bukod kay Vargas, nabanggit rin ang pangalan nina North Cotabato Vice-Governor Manny Piñol, dating Davao del Norte Rep. Tonyboy Floreindo at Cebu boxing patron Tony Aldeguer sa mga posibleng pumalit kay Lopez sa ABAP.
“If given the opportunity, I will develop amateur boxing without begging for money from government,” naunang wika ni Floreindo.
“Three decades of failure is too much. This has become an embarrassment. There’s got to be a change in the leadership of ABAP,” sabi naman ni Piñol sa kabiguan ng liderato nina Manny at Mel Lopez na makasuntok ng kaunaunahang Olympic gold medal ng bansa. (Russell Cadayona)