Bunga na rin ng mahabang playing time sa nakalipas niyang tatlong taon sa professional league, marami nang nararamdamang injury si James Yap ng Purefoods Tender Juicy.
Inamin kahapon ni head coach Ryan Gregorio na kasalukuyang may nararamdamang sprained ankle at back injury ang 2006 PBA Most Valuable Player na si Yap sa kaagahan pa lamang ng 2008 PBA Philippine Cup.
“Matagal na niyang kinocomplain sa akin ‘yon eh. He missed two games in the pre-season tournament because of not one but two sprained ankle plus combined with a bad back na may nakita pang bahagya sa kanyang MRI,” ani Gregorio kay Yap.
Sa kabila ng halos 10 minutong paglalaro sa 92-81 panalo ng Giants sa Ginebra Gin Kings noong Linggo, kumolekta pa rin si Yap ng kabuuang 12 puntos, 3 rebounds at 1 assist.
“He’s really playing wounded and I’m not just telling it to everyone. Kaya ganoon rin pagdating sa endgame, parang kinakapos,” wika ni Gregorio sa tubong Escalante, Negros Occidental. “In the last three years that he has played in the league, he’s playing more than 40 to 42 minutes. So he’s a banged up 26-year-old guy dahil he really plays on extended minutes.”
Hindi rin ikinaila ni Gregorio, binibigyan rin si Kerby Raymundo ng sapat na pahinga sa bench at maging sa ensayo, na nararamdaman na ni Yap ang nararamdaman ng mga beteranong PBA players.
“He always plays hard and plays with so much passion and energy. Iyong mga sakit niya ngayon, sakit ng mga beteranong players sabi nga, kaya kailangang ipahinga ng bahagya,” wika ni Gregorio kay Yap. (Russell Cadayona)