Kapwa nanalo sina Ronnie Alcano at Francisco “Django” Bustamante upang manatiling walang talo sa 33rd Annual US Open 9-Ball Championship sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake, Virginia.
Tinalo ni Alcano ang kababayang si Lee Van Corteza, 11-9, habang dinimolisa naman ni Bustamante si Oscar Dominguez, 11-1 para manatili sa winners’ bracket matapos ang limang rounds ng $250,000-plus event na ito.
Nakalusot din si US-based veteran Jose “Amang” Parica kay defending champion Shane Van Boening 11-10 upang makabilang sa walong players na wala pang talo mula sa 238-man field patungo sa huling dalawang araw ng torneo kung saan ang kampeon ay mag-uuwi ng $40,000 top purse.
Kasama nina Alcano, Bustamante at Parica sa winners’ side sina former world champions Mika Immonen, Johnny Archer at Thorsten Hohmann, gayundin si reigning world 9-ball titlist Darryl Peach at ang bagong World Cup of Pool champion na si Rodney Morris.
Sa kasamaang palad, maghaharap sina Alcano at Bustamante sa susunod na round kung saan makakasagupa naman ni Parica si Immonen.
Ipinoste ni Immonen ang kanyang ikalimang panalo laban kay Shawn Putnam, 11-1, tinalo ni Archer si Brandon Shuff, 11-5, at pinasadsad ni Hohmann si Petri Makkonen, 11-2.
Naungusan ni Peach si Raj Hundal, 11-8, at iginupo ni Morris si Adam Smith, 11-4.
Makakalaban ni Archer si Peach at sina Hohmann at Morris naman ang magsasagupa.
Bumangon naman si Corteza sa one-loss side, matapos igupo si reigning world 8-ball titlist Ralf Souquet, 11-8 para makapasok sa last 16 kung saan makakasagupa niya si Oscar Dominguez.
Umiskor naman si Warren Kiamco ng limang sunod na panalo sa losers’ bracket.
Susunod niyang makakalaban ang mananalo kina Makkonen at Tony Chohan.