Matapos pauwiin si light middleweight Aaron Robinson bunga ng pangyayapos nito, ginitla naman ni Manny Pacquiao si welterweight Marcus McDaniels sa third round ng kanilang sparring session sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Isang matulis na left hook ang naikonekta ni Pacquiao sa kanang panga ng slugger mula sa New Orleans na nagpuwersa rito para humawak sa lubid sa third round.
Kaagad na nilapitan ng 29-anyos na si Pacquiao si McDaniels upang alamin ang kondisyon nito kagaya ng ginawa ni ‘Pacman’ nang bumagsak si Mexican-American David Diaz sa ninth-round ng kanilang World Boxing Council (WBC) lightweigth championship noong Hunyo 28.
Pinaghahandaan ng 29-anyos na si Pacquiao ang kanilang non-title welterweight fight nila ng 35-anyos na si Oscar Dela Hoya sa Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
“Patindi na nang patindi ang training dahil hindi basta-basta ang mga kaspar ko,” ani Pacquiao. “Unang-una, kailangan kong makaharap ang mga sparring partner na kasingtaas at laki ni Dela Hoya, na may malaking bentahe sa pangangatawan.”
Mula sa pagiging 5-foot-10 1/2 ni Dela Hoya, alam ng 5’6 na si Pacquiao na ang kanyang bilis at liksi ang magiging bentahe niya kontra kay “Golden Boy”.
“Alam namin na ang aking bilis ang siyang pinakamalaking bentahe sa laban kaya masusing tinutuunan ng pansin na hindi mawawala ang advantage na ito,” sabi pa ni Pacquiao. (RCadayona)