Air21 nakatikim ng panalo
Humakot ng 25-puntos si Arwind Santos upang pangunahan ang Air21 sa 95-84 panalo kontra sa Coca-Cola ngunit gumanap ng mahalagang papel si Gary David sa panalong ito matapos kumamada ng 12 sa kanyang tinapos na 15-puntos sa final quarter tungo sa kanilang kauna-unahang panalo sa KFC PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa Araneta Coliseum kagabi.
Nagtala rin si Santos ng 5 rebounds at 3 shotblocks at may 19 puntos at 16 boards naman si Ranidel De Ocampo upang ihatid ang Express sa unang panalo matapos mabigo sa unang tatlong laro at katabla nila sa 1-3 kartada ang Tigers.
“Sabi lang ni coach (Bo Perasol) maging involved lahat ng teammates ko sa opensa at depensa,” pahayag ni Santos na nagtala ng pitong puntos sa third period.
Sa tulong ni David, lumayo ang Air21 sa komportableng 93-80 kalamangan papasok sa huling 1:17 minuto ng labanan.
Nasayang naman ang 22-puntos ni Nick Belasco gayundin ang 16 ni Asi Taulava sa pagkatalo ng Coke na nanggaling sa 103-102 double overtime win sa Purefoods noong Miyerkules.
Samantala, magpapatuloy ang aksiyon sa Panabo Tourism Cultural and Sports Center sa Davao City kung saan magsasagupa ang Sta. Lucia Realty at ang Purefoods.
Tangka ng Realtors ang ikalawang sunod na panalo upang iangat ang 1-1 kartada habang nais naman ng Giants na makabangon sa dalawang sunod na kabiguan upang maiahon ang 1-2 record.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang San Miguel at Talk N Text na babasag ng kanilang pagtatabla sa 2-1 win-loss record. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending