Tinanggap ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang application ng limang eskuwelahan matapos ang anim na oras na pagpupulong ng Policy Board at ng Management Committee (MANCOM) kahapon sa Casa Espanyol sa Kalaw, Manila.
Plano ng NCAA Board na dagdagan ang bilang ng mga member schools at gawing 10-teams ang liga sa 2010.
Pag-aaralan ngayon ng liga ang application ng Emilio Aguinaldo College, Centro Escolar University, Arellano University, Angeles University Foundation at ng Lyceum University.
Mababawasan pa ng isang team ang 8-member school sa kasalukuyan sa susunod na taon dahil sa kusang nagleave-of-absence ang Philippine Christian University.
“We’ll set the criteria and the seven other regular NCAA members will review the applications of each school,” pahayag ni MANCOM member at NCAA spokesperson Henry Atayde ng College of St. Benilde.
Bukod sa limang eskuwelahang nabanggit, nagpahayag din ng intensiyong sumali sa liga ang Don Bosco-Makati at Technological Institute of the Philippines.
Nagsilbi na ng isang taong suspension ang PCU Dolphins noong 2007 dahil sa paggamit ng ineligible high school players noong 2006 season.
Nakabalik sila sa liga sa nagdaang season ngunit nagkusa silang magleave-of-absence para sa susunod na season.
Gayunpaman, kailangan nila uling mag-apply ulit para makabalik sa liga.
“Just like everybody else, they have to apply for membership again in the NCAA,” ani MANCOM chairman Ding Lozano ng Mapua.
Ayon sa isang impormante, ang entry fee sa liga ay nagkakahalaga ng P5 milyon.
Ang bagong member school ay kailangan lumahok sa lahat ng 190-events ng NCAA sa high school at college division. (Mae Balbuena)