Tigers lusot sa Giants sa 2 OT
Bumangon mula sa double-digit deficit ang Coca-Cola at nangailangan ng dalawang overtime at tulong mula sa itaas upang itakas ang 103-102 panalo laban sa Purefoods sa pag-usad ng KFC PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa Araneta Coliseum kagabi.
Matapos malagay sa bitag ng kabiguan, nakaligtas ang Tigers, salamat sa pagmimintis ni Peter June Simon sa huling .8 segundo ng labanan matapos mabigyan ng pagkakataon sa four-point play na maaaring magdala sa laro sa ikatlong overtime.
Na-foul ni Mark Macapagal si Simon sa triple area kung saan pumasok ang attempt ng una na nagdikit ng iskor sa 102-103, may .8 of a second na lamang. Humingi ng time-out ang Tigers para sirain ang momentum ni Simon at sila ay nagtagumpay nang magmintis ito sa kanyang bonus shot na siyang nagkaloob sa Coke ng kanilang kauna-unahang panalo matapos mabigo sa kanilang unang dalawang asignatura.
Nanguna sina Paul Asi Taulava at Nick Belasco sa Tigers sa pagkamada ng tig-20 puntos kasunod sina John Arigo (15-points), Mark Telan (14pts.), Macapagal (13 pts.) at Alex Cabagnot (10pts.) upang ipalasap sa Purefoods ang ikalawang talo sa 3 laro.
Nabaon ang Coke ng hanggang 14-puntos, 68-48 bago matapos ang ikatlong quarter at unti-unti silang nakabangon sa final canto na siyang naging simula ng mahigpitang labanan.
Samantala, dadako naman ang aksiyon sa JCSGO Gym sa Cubao kung saan magsasagupa ang Alaska at Red Bull sa alas-6:00 ng gabi.
Tangka ng Alaska ang ikatlong sunod na panalo upang manatili sa liderato laban sa Red Bull na nais namang makabangon sa dalawang sunod na kabiguan.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Rain or Shine na naghahangad ng ikatlong sunod na tagumpay para manatili sa liderato at ang San Miguel na nais namang mapaganda ang 1-1 kartada. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending