Hamon ni Peñalosa vs Puerto Rican pug malalaman na
Anumang araw ngayong linggo ay inaasahan ni Filipino world bantam-weight champion Gerry Peñalosa ang kasagutan kung matutuloy ang kanyang paghahamon kay Puerto Rican world super bantamweight titlist Juan Manuel Lopez.
Sinabi kahapon ng 36-anyos na si Peñalosa, ang bantamweight king ng World Boxing Organization (WBO), na malalaman niya ang kasagutan mula kay Golden Boy Promotions’ vice president Eric Gomez.
“Within this week malalaman na natin kung ano ‘yung naging resulta ng pakikipagusap ni Eric Gomez kay Bob Arum ng Top Rank Promotions,” ani Peñalosa.
Naghamon si Peñalosa sa 25-anyos na si Lopez, inagaw ang dating suot na WBO super bantamweight belt ni Mexican Daniel Ponce De Leon via first-round TKO noong Hunyo 7, matapos makansela ang kanyang ikalawang title defense kay Mexican challenger Abner Mares bunga ng injury nito sa kanyang retina sa mata.
“Malaki ang tsansa na makalaban ko si Juanma unless ayaw talaga niya akong makalaban,” ani Peñalosa kay Lopez. “Gusto rin ng Top Rank, gusto rin ng Golden Boy ‘yung idea ko na labanan si Juanma. Gusto rin ng mga tao, gusto ko rin, so si Juanma na lang ang kulang.”
Tangan ni Peñalosa ang 53-6-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs, samantalang taglay naman ni Lopez, nasa bakuran ni Arum, ang 23-0-0 (21 KOs).
Sakaling matuloy, mapapabilang ang WBO super bantamweight championship nina Peñalosa at Lopez bilang undercard sa non-title welterweight fight nina Manny Pacquiao at Oscar Dela Hoya sa Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending