Susundan ni Caloy si Boyet?
Kung ano ang nangyari kay Teodorico ‘Boyet’ Fernandez III, baka ganoon din ang mangyari kay Caloy Garcia!
Noong nakaraang season, sa ikalawang conference bilang head coach ng Sta. Lucia Realty, ay nakamit ni Fernandez ang kanyang unang kampeonato bilang head coach sa PBA nang igiya niya ang Realtors sa 4-3 panalo kontra sa Purefoods Tender Juicy Giants sa 2007-08 Philippine Cup.
Magugunitang si Fernandez ay nagsilbing assistant coach ni Alfrancis Chua noong 2006-07. Maganda sana ang arangkada ng Realtors noon subalit kinapos sila at nabigong makapasok sa semifinals. Sa pagtatapos ng unang conference ay nagbitiw si Chua bilang head coach at itinalaga bilang kapalit niya si Fernandez.
Marami ang nagulat sa move na ito ng Sta. Lucia dahil sa bata pa si Fernandez at tila kulang pa sa karanasan. E, may iba namang mas experienced na assistant coaches ang Sta. Lucia sa katauhan nina Adonis Tierra at Cholo Martin.
Pero fully supported naman ng management si Fernandez kahit pa hindi din nagbago ang performance ng team sa second conference ng season na iyon.
Pinaghandaan ng Sta. Lucia nang mabuti ang 2007-08 Philippine Cup sa pamamagitan ng paglahok sa ilang international tournaments at pagtraining sa Estados Unidos. At nagbunga nga ito ng maganda. Sa dakong huli, si Fernandez ay pinarangalan bilang Coach Of The Year ng PBA Press Corps.
Ngayo’y heto naman si Garcia. Kumpara kay Fernandez ay mas malawak naman ang karanasan ni Garcia sa pagiging coach. Hinawakan niya ang College of St. Benilde Blazers sa National Collegiate Athletic Association. Naging assistant coach siya ni Leo Austria sa Shark Energy Drink. Hinawakan din niya bilang head coach ang Henkel Sista.
At nang umakyat sa PBA ang Welcoat Dragons (ngayo’y Rain or Shine Elasto Painters) si Garcia ang siyang nagsilbing assistant coach ni Austria sa tatlong tournaments.
Nagbitiw si Austria sa kanyang tungkulin matapos ang 2007-08 Philippine Cup at itinalaga bilang head coach ng Dragons si Garcia sa Fiesta Conference. Gaya ng unang tatlong torneo, hindi rin nagawa ng Welbest franchise na mamayagpag at patuloy itong nangulelat.
Pero heto’ t ibang-iba na ang anyo at kilos ng Elasto Painters ngayon. Nasa itaas sila ng standings at may 2-0 record matapos tambakan ang Air 21 (120-102) at maungusan ang Red Bull (96-90).
Oo’t nagsisimula pa lang ang KFC PBA Philippine Cup pero hindi na iniisnab ang Rain or Shine ngayon. Pinaghahandaan na silang mabuti ng mga kalaban.
Kung mapapanatili nila ang kanilang poise at gilas, hindi malayong maabot nila ang itaas.
- Latest
- Trending