Si Rodericko Racela na ngayon ang maituturing na “senior statesman” sa 34th season ng Philippine Basketball Association na nagsimula noong Sabado.
Ang point guard na produkto ng Ateneo de Manila University ay naglalaro sa kanyang ika-16 season sa pro league. Si Racela ay ipinanganak noong Nobyembre 1, 1970. Kaya nga Olsen ang kanyang palayaw. Kasi, All Saint’s Day ang kanyang birthday.
Noong nakaraang season, si Johnny Abarrientos ang senior citizen ng liga. Nakapaglaro ng ilang games ang “Flying A” bago tuluyang naigupo ng injuries. Si Abarrientos ay ipinanganak noong Hulyo 17, 1970.
Sa pagkawala ni Abarrientos, sa Fiesta Conference, ang kanyang dating kakamping si Victor Pablo ang nagmana ng trono bilang ‘senior citizen.” Si Pablo ay inilaglag ng Talk N Text bago nagsimula ang season subalit pinulot ng Barangay Ginebra sa kalagitnaan ng Philippine Cup. Si Pablo ay ipinanganak noong August 8, 1970 at mas matanda siya ng ilang buwan kaysa kay Racela.
Sa simula nga ng season na ito’y wala na sina Abarrientos at Pablo sa line-up ng Gin Kings.
Nagretiro na rin ang isa pa’ng “senior statesman” na si Rey Evangelista na ngayon ay bahagi ng coaching staff ng Purefoods Tender Juicy Giants. Si Evangelista, na ipinanganak noong Disyembre 29. 1971, ay pumalaot sa PBA noong 1994. Ang buong career niya ay nagsimula’t nagwakas sa Purefoods.
Sa Purefoods din nagsimula si Racela noong 1993 subalit pagkatapos ng apat na taon ay lumipat sa San Miguel Beer kung saan naging lead point guard siya. Kasi nga, noong nasa Purefoods siya ay reliever lang siya ni Dindo Pumaren.
Very fulfilling na rin ang career ni Racela at napakaraming kampeonato ang napanalunan niya bilang isang Beerman. Bukod dito ay naging miyembro din siya ng All-pro national team na ipinadala sa Busan Asian Games.
Hindi natin alam kung ito na ang magiging huling season ni Racela sa PBA. Dalawang taon na rin namang sinasabing pinaghahandaan ng Beermen ang kanyang pagreretiro. Nagsimula ito nang kunin ng Beermen si LA Tenorio.
Noong nakaraang season ay ipinamigay nila si Tenorio sa Alaska kapalit ni Mike Cortez na siya ngayong lead point guard ng San Miguel. Mayroon pa silang understudy sa katauhan ni Jonas Villanueva.
Masasabi na ring kung sakaling magreretiro si Racela sa katapusan ng season na ito’y magiging stable ang backcourt ng San Miguel. Napaghandaan na nila iyan.
Ang tanong: sakali ngang maretiro si Olsen, sino ang susunod na “senior statesman?”
Sagot: Si Jeffrey Cariaso ng Alaska. Ang manlalarong tinaguriang “The Jet” ay ipinanganak noong Setyembre 12, 1972.