Imbes na manggaling kina Manny Pacquiao at Oscar Dela Hoya ang patutsada, ang sentimental na si trainer Freddie Roach ang pinagmulan ng asaran kahapon sa press conference sa Fort Mason sa San Francisco, USA.
“I found this toy gun,” pang-aasar ni Roach sa 35-anyos na si Dela Hoya. “But I can’t pull the trigger. It must be yours.”
Ang naturang ekspresyon na ‘can’t pull the trigger’ ni Roach ay kaugnay na rin sa kabiguan ni Dela Hoya na magpakawala ng suntok sa kanilang world light middleweight championship fight ng mas maliit na si Floyd Mayweather, Jr. noong Mayo 5 ng 2007.
Ang 48-anyos na si Roach ang tumayong chief trainer ni Dela Hoya sa naturang split decision loss kay Mayweather.
Inaasahan ni Dela Hoya na mas magiging agresibo at matapang ang 29-anyos na si Pacquiao kumpara sa nakalaban niyang si Mayweather, nagretiro na matapos ang naturang panalo kay “Golden Boy”.
“Please, stay right in front of me; let’s make it a fight. Which, I’m sure, he will,” ani Dela Hoya, makakakuha ng ‘hometown advantage’ sa pagdayo ng kanilang promotional tour ni Pacquiao sa East Side sa Los Angeles. “There’s no backing down in Manny.”
Sa balwarte ni Dela Hoya magtatapos ang naturang 6-city promotional tour nila ni Pacquiao para sa “Dream Match” na nakatakda sa Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
“He is a legend in boxing, and it is my honor to fight him,” wika naman ni Pacquiao, dadalhin ang 47-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 35 KOs, habang taglay naman ni Dela Hoya ang 39-5-0 (30 KOs). “It’s a big test for me.” (Russell Cadayona)