Manunuwag pa rin ang Red Bull
Kung titignan ang line-up ng Red Bull Barako para sa Philippine Cup na magsisimula ngayong hapon sa Araneta Coliseum, puwede na ring sabihin na palaban ang tropa ni coach Joseller “Yeng” Guiao.
Sa totoo lang, kumpleto naman ang Red Bull sa lahat ng pusisyon at ang mga manlalaro nito’y talaga namang “magpapakamatay’ para sa panalo. Kasi nga’y underrated sila at nais nilang ipakita na puwede silang makipagsabayan sa mga superstars.
Walang mawawala sa kanila, e. Everything to gain, ‘ika nga!
Ang kagandahan nga nito’y underdog ang turing ng lahat sa Red Bull matapos na mawala pa sa kanila sina Topex Robinson at Mick Pennisi. Si Robinson ay nasa Purefoods samantalang si Pennisi ay nasa San Miguel Beer.
Bilang underdog, ibig sabihin ay wala o kakaunti ang pressure sa balikat ng Barakos at ni Guiao. E halos lahat ng tao’y aminadong mahina sila. Kahit siguro ang management ay nagsasabing mahina sila. So, kung matalo sila, expected iyon. Pero kung mananalo sila, overachievers ang labas nila!
Si Cyrus Baguio pa rin ang main man ng Barakos at kasama niyang magbabalik sa season na ito sina Celino Cruz, Warren Ybañez, Jojo Duncil, Leomar Najorda, Magnum Membrere, Rich Alvarez, Carlo Sharma at Michael Hrabak.
Ang mga bagong miyembro ng Red Bull ay ang mga rookies na sina Larry Rodriguez at Jeffrei Chan at sina Gabby Espinas at Paolo Hubalde. Si Espinas ay nakuha nila buhat sa Air 21 Express samantalang si Hubalde ay galing naman sa Barangay Ginebra.
Maraming nagsasabing tiyak na mabibigyan na ng break sina Espinas at Hubalde, dalawang manlalarong hindi nabigyan ng magandang break sa unang dalawang koponang napaglaruan nila sa PBA.
Si Espinas ay isang dating Most Valuable Player sa NCAA noong nasa Philippine Christian University siya. Kinuha siya sa first round ng San Miguel Beer dalawang taon na ang nakalilipas subalit hindi nagkaroon ng mahabang playing time. Nalipat siya sa Air 21 pero ganoon pa rin ang nangyari sa kanya.
Si Hubalde, na anak ni Freddie Hubalde, isa sa 25 greatest PBA players, ay kinuha ng San Miguel Beer tatlong seasons na ang nakalilipas pero ipinamigay sa Barangay Ginebra. Wala ring nangyari sa kanyang career sa dalawang teams na ito.
Third chance ‘ika nga ang makukuha nila sa Red Bull kung saan tiyak na magagamit sila.
Hindi nga ba’t maraming ibang players na pinulot ang Red Bull sa nakaraang seasons at pinagyamang muli ang kakayahan?
Kaya kahit mukhang dehado ang Red Bull sa papel, lintik naman ang Barakos sa hardcourt!
- Latest
- Trending