Hiling na pondo ng PSC susuportahan ni Escudero kung...
Nangako si Senator Francis “Chiz” Escudero na susuportahan ang pagsisikap na mabigyan ang Philippine Sports Commission ng dagdag na pondo kung karapat-dapat ang programang inilalaan nito para makasungkit na ng Olympic gold sa 2012 sa London.
Sinabi ni Escudero na karapat-dapat na mabigyan ang PSC ng perang pondo ng pamahalaan pero kailangang managot ang naturang ahensiya sa bawat sentimo, na gagamitin para hindi na muling mabokya ang bansa sa Olympics.
Hindi pa nakakakuha ng medalya ang Philippines mula noong 2000 sa Sydney, 2004 sa Athens at sa Beijing nitong taon. Ang huling medalyang napag-wagian sa Summer Games ay ang silver ng boksingerong si Mansueto Velasco noong 1996 sa Atlanta.
“We want to hear an assurance whatever funding the PSC would receive would be spent on sports which are focused on winning an Olympic medal, a gold if possible,” ani Escudero.
Nakatakdang humarap sa Senado ang PSC officials sa pamumuno ni Chairman William “Butch” Ramirez upang idepensa ang kanilang kahilingan sa pondo mula sa 2009 General Appropriations Fund. Lumasap ng malaking kabawasan ang nasabing ahensiyang namamahala sa iba’t ibang programa ng sports sa pondo nang mula sa hiling na P750M ay nauwi lamang sa P216M ang nakuha, na kapantay lamang sa kanilang tinatanggap taun-taon sapul noong 1990.
- Latest
- Trending