Pulpul umeksena, pasok sa Last 32
Pumukaw ng pansin sa kasalukuyang World Ten Ball Championships ang di kilalang si Demosthenes Pulpul ng Philippines matapos biktimahin ang mga big-time players mula sa Asia at Europe.
Pinabagsak ng 23-gulang na tubong Cagayan de Oro na si Pulpul ang crowd favorite na si Jasmin Ouschan ng Austria, 9-8 sa pagpapatuloy ng aksyon sa Philippine International Convention Center.
Kinailangan ni Pulpul, di nakatulog dahil sa labis na tuwa sa kanyang tinatamasang tagumpay na napapanuod ng buong mundo ng tulong mula sa Itaas sa kanyang huling laban at dininig ang kanyang dasal.
Nagmintis si Ouschan, ang top-ranked lady player ng World Pool Association sa potential game winner – ange orange ball 5 sa corner na sinamantala ni Pulpul tungo sa kanyang tagumpay.
“Excited ako dahil first time na mapapanood ako ng maraming tao sa TV. First time ko ring lalaro sa last 64 ng world pool,” ani Pulpul na aminadong nadistract sa kagandahan ng kalaban.
“Maganda naman talaga siya eh. Wala tayong magagawa dyan.”
Bukod kay Pulpul, pumasok din sa Final 32 ang kababayang si Leonardo Didal laban kay Chinese Zhang Shu Chun, 9-2.
Kahit parehong may sakit na dinaramdam, umusad din sina double world champion Ralf Souquet ng Germany at reigning World 9-ball titlist Daryl Peach ng Great Britain matapos ang panalo kina local bet Arnel Bautista, 9-4 at Imran Majid ng Great Britain, 9-5 ayon sa pagkakasunod.
- Latest
- Trending