Hindi man nagpahayag ng kanyang damdamin ay nakita naman sa mukha ni Hapee Toothpaste team owner Cecilio Pedro ang pagkamangha hinggil sa biglaang pagbawi ng Ateneo De Manila University sa ipinahihiram nilang pitong Blue Eagles.
Bago ang 2008 PBL Rookie Draft, iniatras ng Ateneo ang pitong Blue Eagles na pinangungunahan nina Chris Tiu, Rabeh Al-Hussaini, Nonoy Baclao at Eric Salamat bunga umano ng komplikasyon sa class schedules.
Si Pedro ay kilalang sumusuporta sa Ateneo sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
“We’re not angry but we’re very disappointed. Why on the 11th hour?” ani Ding Salvador, managing partner ni Pedro sa Teeth Sparklers. “We hope to get an explanation from them.”
Bagamat hindi inaamin ng Blue Eagles, ang naunang pagbabanta ni PBL Commissioner Chino Trinidad na pagbawi sa mga PBL referees sa pamamahala sa nakaraang 84th NCAA men’s basketball championship sa pagitan ng San Beda Red Lions at Jose Rizal U Heavy Bombers bunga ng pagtuligsa ni Noli Eala sa officiating sa Game 2 ang itinuturong dahilan.
Ang Ateneo at San Beda ay kapwa itinataguyod ni Manny V. Pangilinan na pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kung saan executive director si Eala.
“He really wants to have a very competitive team this year but now that Ateneo players withdrew, we have to start all over again. Well, we have to take the punch from the chin,” wika ni Salvador kay Pedro, dating chairman ng PBL.
“Nasira lahat ang plano ko sa team. I’m really excited to handle them because they are very talented players,” sambit ni Gee Abanilla, dating Green Archer ng La Salle at mentor ng St. Benilde sa NCAA, ang bagong coach ng Teeth Sparklers. (Russell Cadayona)