Isa nga bang potensyal na basketball superstar si Fil-American point-guard Chris Ross?
Sapat na ang nakita ni head coach Carlo Tan para tanghalin ng Pharex ang 6-foot-1 na si Ross bilang No. 1 overall pick sa 2008 PBL Rookie Draft kamakalawa sa Ynares Sports Center sa Pasig City.
“He’s not a fancy player like other Fil-foreign players but I’m sure he can get the job done,” sabi ni Tan kay Ross, tumipa ng mga averages na 6.1 puntos, 3.5 rebounds, 4.6 assists at 1.9 steals sa kabuuang 28 laro para sa Marshall University sa West Virginia.
Bago maglaro sa Marshall University, kumampanya muna si Ross sa Panola Junior College kung saan siya kumabig ng mga averages na 13 puntos, 10 assists at 4 steals.
Bukod kay Ross, hinugot rin ng Medics sa naturang drafting sina Michael Galinato (2nd round) ng Adamson, Ian Mazo (3rd round) ng Mapua, Kojack Melegrito (4th) ng Letran, Junard Yambot (5th round) at Jerick Canada (6th round) ng Adamson.
Napasakamay naman ng Toyota Otis si Mapua guard Allan Mangahas bilang No. 2 overall pick kasunod si Spartacus Rodriguez ng San Francisco State University bilang No. 3 pick.
Nalambat rin sa first round sina Brian Ilad (Burger King) ng La Salle, Lance Convento (Hapee) ng California State Fullerton, Erick Suguitan (Harbour Centre) ng ACSAT at Paul Lee (Bacchus Energy Drink) ng University of the East.
Bunga ng biglaang pag-atras ng pitong Blue Eagles ng Ateneo De Manila University, kinuha ng Hapee Toothpaste sina Christoper Canta, Mark Sarangay, Vengie Vergara, Ely Olarte, Chuck Dalanon, Josh Vanlandingham at Andy Mejos.
Sa second round, inangkin ng Toyota Otis sina James Mangahas at Bader Malabes ng La Salle, Alvin Cabonce at Clarence Foronda ng Letran at Jason Pascual ng Mapua, habang pinili ng Harbour Centre sina Paul Suguitan, Peejay Barua, Von Lanete, Reynald Cui at Jessey Garcia. (Russell Cadayona)