Sa kanyang unang proyekto bilang boxing promoter, personal na panonoorin ni Manny Pacquiao si Filipino super bantamweight sensation Bernabe Concepcion sa laban nito kay Mexican Giovanni Caro bukas sa Sycuan Casino and Resort sa El Cajon, California.
Ang Concepcion-Caro super bantamweight fight ay ang kauna-unahang professional boxing show ng MP Promotions ng 29-anyos na si Pacquiao katuwang ang Sycuan Ringside Promotions.
“Bernabe has all the ingredients to make a great champion,” wika ni Pacquiao kay Concepcion. “He works hard and is focused only on boxing. He is improving all the time and we have very high hopes for him. If everything goes the way we plan it, he will fight for a world title very soon.”
Dadalhin ng 20-anyos na si Concepcion, ang kasalukuyang North American Boxing Federation (NABF) super bantamweight champion, ang 26-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs, habang may 11-4-4 (9 KOs card naman si Caro.
Si Concepcion ay nasa pangangalaga rin ni American trainer Freddie Roach sa kanyang Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Kabilang sa mga huling tinalo ng tubong Rizal na si Concepcion ngayong 2008 ay sina Juan Ruiz noong Pebrero, Torrance Daniels noong Abril at Adam Carrera noong Hulyo.
Si Caro naman ang naghahari sa Mexican superbantamweight division at nanaig rin sa kanyang huling tatlong asignatura kontra kina Ricardo Castillo noong Mayo at ang magkapatid na Ricardo at Jose Luis Castillo. (Russell Cadayona)