GRabeh, 'di naawat!
Sa harap ng 22,900 manonood, ipinakita ni 6-foot-5 Rabeh Al-Hussaini ang kanyang dominasyon nang kumulekta ito ng 31 puntos, 12 rito ay sa third period, at 9 rebounds para tulungan ang Ateneo De Manila University sa 69-61 pananaig laban sa nagdedepensang De La Salle University sa 71st UAAP men’s basketball championship kahapon sa Araneta Coliseum.
“I just cautioned him and cautioned my team that our business is unfinished,” ani coach Norman Black kay Al-Hussaini at sa Blue Eagles, may 1-0 lead kontra Green Archers sa kanilang best-of-three championship showdown. ”It’s only one game. It takes two games to win the championship series. So we just need one more to become a champion.”
Ang tagumpay ng Ateneo, nagkampeon noong 1988 sa ilalim ni Fritz Gaston at 2002 sa pagiya ni Joel Banal, sa Game 2 sa La Salle sa Huwebes ang tuluyan nang magbibigay sa kanila ng ikatlong UAAP crown.
Mula sa 26-29 agwat sa gitna ng second period, isang 14-0 bomba ang inihulog ng Ateneo, unang naghari noong 1988, sa likod nina Al-Hussaini, Jai Reyes, Nonoy Baclao at rookie Ryan Buenafe para iwanan ang La Salle sa 40-29 sa 9:10 ng third quarter.
Ipinoste ng Katipunan-based cagers ang pinakamalaki nilang abante sa 14 puntos, 51-37, sa 3:57 ng nasabing yugto bago nakalapit ang Taft-based dribblers sa 49-57 agwat sa 8:14 ng final canto buhat kina JV Casio, Bader Malabes at Rico Maierhofer.
Sa pagbibida nina Al-Hussaini, Baclao at Chris Tiu, inilayo ng Blue Eagles ang laro sa 65-52 sa huling 3:23 ng labanan hanggang muling makalapit ang Archers, nasa kanilang ika-13th finals stint, sa 61-67 sa natitirang 41.6 segundo. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending