Opisyal nang sisimulan ang pagbebenta ng tiket sa Miyerkules (US time) para sa “Dream Match” nina Manny Pacquiao at Oscar Dela Hoya na nakatakda sa Disyembre 6 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ang nasabing mga tiket ay may presyong $1,500, $1,000, $750, $500, $250 at $150, ayon sa Top Rank at Golden Boy Promotions kung saan ang top ringside seats ay nagkakahalaga ng $1,500 o halos P65,000.
Ang naturang presyo ay mas mababa ng $500 nang labanan ni Dela Hoya si Floyd Mayweather, Jr. noong Mayo 5 ng 2007 kung saan nanaig ang huli via split decision para mapanatiling suot ang World Boxing Council (WBC) light middleweight belt.
“I will tell them not to sell it at $2,000 because of the bad US economy,” naunang wika ni Bob Arum ng Top Rank.
Kung mananatili naman sa kanilang mga tahanan ang mga gustong manood ng Pacquiao-Dela Hoya non-title welterweight fight, kailangang maglabas ng $54.95 ang isang boxing afficionado para sa pay-per-view subscription.
Sa Dela Hoya-Mayweather bout, lumobo sa halos $120 milyon ang pumasok sa PPV buys bukod pa ang kinitang $19.2 milyon sa live gate MGM Grand.
Humigit-kumulang sa $55 milyon ang naibulsa ng 35-anyos na si Dela Hoya, samantalang $22 milyon naman ang natanggap ng 29-anyos na si Mayweather matapos pumayag sa 30-70 revenue split.
Ang pinakamahal na tiket na binili sa isang laban ng 29-anyos na si Pacquiao ay umabot sa P50,000 nang harapin ni “Pacman” si Mexican Oscar Larios noong Hulyo ng 2006 sa Araneta Coliseum. (Russell Cadayona)