'Giyera sa Big Dome'
Isa na namang klasikong labanan ang matutunghayan ngayon sa paghaharap ng makaribal na defending champion De La Salle University at Ateneo De Manila University.
Taong 2002 nang huling magsagupa ang La Salle at Ateneo sa kampeonato na pinagwagian ng Archers at naging mainit ang sagupaan ng magkaribal na koponan.
Idedepensa ng La Salle ang kanilang titulo laban sa Ateneo sa best-of-three championships series para sa titulo ng 71st UAAP men’s basket-ball title.
Alas-4:00 ng hapon ang sagupaan ng Archers at Eagles sa Araneta Coliseum na siguradong dudumugin ngayon ng mga La Salle at Ateneo fans.
Naitakda ng Ateneo at La Salle ang muli nilang paghaharap sa finals matapos dispatsahin ang kani-kanilang mga kalaban sa Final Four.
Dinispatsa ng No. 1 na Ateneo ang No. 4 na University of the East habang iginupo naman ng No. 2 na La Salle ang No. 3 na Far Eastern University.
Maganda ang match-up sa pagitan nina JV Casio ng La Salle at Chris Tiu ng Ateneo sa sagupaang ito.
“Actually, the matchup between JV Casio and Chris Tiu is just a side attraction. The main attraction here is the Ateneo and La Salle as you know the series will not depend on one or two, it will depend on the performance of the team so I’m not going to zero in as to who is capable of helping us win this series,” ani Pumaren.
Unang nagharap ang Ateneo at La Salle noong 1998 kung saan nanalo ang Blue Eagles.
Nakabawi ang La Salle noong 2001 sa pag-bibida nina Ren-Ren Ritualo, Jr., Mike Cortez at Carlo Sharma para kunin ang korona via 93-88 win sa Game 3.
Muling namayagpag ang Eagles sa tulong nina Rico Villanueva, Wesley Gonzales at Rich Alvarez, anim na taon na ang nakakaraan.
“To win the championship, you must win twice so that even if you lose Game 1, you still have two games to play and recover,” ani Norman Black.
Huling nakarating sa finals ang Ateneo noong 2006 nang kunin nila ang Game One ngunit naungusan sila ng University of Santo Tomas sa dalawang sumunod na laro para sa titulo.
Para sa Ateneo, naririyan sina Tiu, Rabeh Al-Hussaini, Nonoy Baclao, Eric Salamat at Jai Reyes at sa La Salle, kakamada naman sina Casio, Rico Maierhofer, James Mangahas, Peejay Barua at Bader Malabes ng La Salle.
- Latest
- Trending