Devance, Tenorio nagpasikat sa Alaska

Nagtala sina Joe Devance at L.A. Tenorio ng tig-15 puntos upang tulungan ang Alaska Aces sa 90-77 panalo laban sa Rain or Shine Elasto Painters, sa PBA Pre-Season tournament sa Lyceum of the Philippines gym.

Sa pagdating nina Devance at Erwin Sotto sa team, dinomina ng Alaska ang Elasto Painters na kanilang iniwanan sa second half.

Nakuha ng Alaska si Devance kapalit ni No. 3 rookie pick Solomon Mercado at veteran wingman Eddie Laure habang pinakawalan ang 6’7 center na si Sotto ng Air21 na walang kapalit.

Umiskor si Willie Miller ng 14 points at nagdagdag naman si Sonny Thoss ng 12 para sa Aces na hangad ang ikalawang panalo sa Group A sa pakikipagharap sa Purefoods TJ Giants sa Lunes sa Arellano Gym.

Hindi naman gaanong kinakitaan ng gilas ang No. 1 pick sa taong ito na si Gabe Norwood na tumapos ng 13-puntos habang pumukaw naman ng pansin ang second round pick (12th overall) na si T.Y. Tang sa kanyang playmaking ability at leadership.

Nagpasiklab si Tang sa first quarter sa pagkamada ng kanyang siyam na puntos sa 14-0 run para makabangon ang Rain or Shine sa four-point deficit at kunin ang 25-20 patungo sa ikalawang canto.

Magsasagupa naman ngayong alas-4:00 ng hapon ang Purefoods at Fiesta Cup champion Barangay Ginebra sa San Beda gym. (Mae Balbuena)

Show comments