Sa kabila ng inaasahang bonggang promotional tour para sa kanilang laban ni Oscar Dela Hoya, gagawa pa rin ng paraan si trainer Freddie Roach na maisingit ang maigting na pagsasanay ni Manny Pacquiao.
Ayon sa 48-anyos na si Roach, kailangan ng 29-anyos na si Pacquiao na tutukan ang kanilang training session para sa non-title welterweight fight sa 35-anyos na si Dela Hoya sa Disyembre 6 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“As much as possible we’re going to make some arrangements for his training,” sambit ni Roach, iginiya si Dela Hoya sa split decision loss nito kay Floyd Mayweather, Jr. noong Mayo ng 2007 para sa light middleweight championship.
Ito ang unang pagkakataon na aakyat sa welterweight division si Pacquiao matapos maghari sa flyweight, super bantamweight, super featherweight at lightweight classes.
Nagpakita na kahapon si Pacquiao, ang bagong World Boxing Council (WBC) lightweight champion, kay Roach sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood kung saan sila magtatakda ng training session.
Nauna nang inihayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na mas malaking promotional tour ang kanyang ihahanda para sa ‘Dream Match’ nina Pacquiao at Dela Hoya.
Kabilang rito ang pagtungo ng grupo sa New York City sa Oktubre 1 kasunod ang pagbiyahe sa Chicago, Houston, San Antonio at Los Angeles.
Bukod sa naturang promotional tour, aasikasuhin rin ni Pacquiao ang kanyang trabaho bilang promoter katambal ang Sycuan Ringside Promotions para sa isang boxing event sa El Cajon sa Setyembre 25 tampok sina Bernabe Concepcion, Dennis Laurente at lightweight Mercito Gesta. (Russell Cadayona)