Iginupo ni IM Richard Bitoon si GM Susanto Megaranto ng Indonesia sa ikatlong round ngunit natalo kay top seed GM Murtas Kazhgaleyev ng Kazakhstan sa ikaapat na round at makisosyo sa ikatlong puwesto sa 4th Prospero Pichay Cup international chess championship sa Duty Free Fiesta Mall sa Parañaque City.
May naipon na 3 puntos, ang 32 anyos na si Bitoon ay may kalahating puntos na layo sa magkasamang lider na sina Kazhgaleyev at GM Li Shilong ng China matapos ang apat na rounds ng 9-round tournament na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) at hatid ng Duty Free, Department of Tourism, Pilipinas Shell, Globe at PAGCOR.
Nagposte din ng tigatlong panalo sina GMs Jayson Gonzales at Mark Paragua para samahan si Bitoon at pito pang iba sa ikatlong puwesto sa isang linggong torneo na ito na humatak ng 18 GMs,12 IMs at 2 FMs.
Nakipag-draw si Gonzales kay IM Ronald Bancod sa ikatlong round at Wan Yunguo ng China sa ikaapat, habang dinurog naman ni Paragua si Nguyen Van Huy ng Vietnam at nakipaghatian ng puntos kay second seed GM Zhang Zhong ng Singapore.
Ang iba pang may tatlong puntos ay sina GM Saidali Iuldachev ng Uzbekistan, Zhang, GM Mikheil Mchedlishvili ng Georgia, GM Wen Yang ng China, GM Ehsan Ghaemmaghami ng Iran, GM Marat Dzhumaev ng Uzbekistan, at GM Konstantin Shanava ng Georgia.
Nakipag-draw si Kazhgaleyev kay Iuldachev sa ikatlong round bago dinaig si Bitoon, at nakipaghatian din si Li kay Zhang bago sinilat si GM Wesley So sa ikaapat na round upang makaipon ng 3.5 puntos.
Ang kabiguan ay naglaglag kay So sa malaking grupo ng players na may 2.5 puntos kasama sina Bancod, GM-candidate Jon Paul Gomez, Haridas Pascua, Kim Steven Yap, Noel de la Cruz at Darwin Laylo.