Pacquiao puntirya ni Marquez
Sakaling bumalik si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa lightweight division, muli niyang makakasagupa ang isang pamilyar na mukha.
Pinatotohanan ni Mexican Juan Manuel Marquez ang kanyang maigting na paghahabol kay Pacquiao matapos pabagsakin si Cuban Joel Casamayor sa 11th round para agawin rito ang Ring Magazine lightweight crown kahapon sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
“This is what we want. We want to get Manny Pacquiao,” ani Marquez. “We moved up in weight, and we will fight anyone that our promoter wants.”
Ito ang unang pagkakataon na umakyat ang 35-anyos na si Marquez, may 49-4-1 win-loss-draw ring record ngayon kasama ang 36 KOs, sa lightweight class matapos agawan ng 29-anyos na si Pacquiao ng dating suot na WBC super featherweight belt noong Marso 15 sa pamamagitan ng split decision.
Bago ang kanilang rematch, umiskor si Marquez ng isang kontrobersyal na split draw noong Mayo ng 2004 sa kabila ng tatlong beses na pagpapatumba sa kanya ni Pacquiao.
Nakatakdang sagupain ni Pacquiao ang 35-anyos na si Oscar Dela Hoya sa isang non-title welterweight fight sa Disyembre 6 sa MGM Grand Arena kung saan inaasahang manonood si Marquez.
Nangapa muna si Marquez sa unang 3-rounds kung saan nakalamang ang 37-anyos na si Casamayor.
“I figured this would be a tough fight until the end, but I was a more intelligent fighter,” wika ni Marquez. “I was watching out for myself, and I knew how to neutralize his left hand. I threw all my combinations, because I knew I couldn’t win with just my right hand.”
Mula sa isang matulis na right hand, napabagsak ni Marquez si Casamayor sa huling minuto sa 11th round kasunod ang pagpapaulan ng mga suntok sa 1992 Barcelona Olympic Games gold medalist sa ikalawang paghalik sa lona nito. (R. Cadayona)
- Latest
- Trending