Promotional tour ng Pacquiao-Dela Hoya bout mas bongga
Asahan nang mas magiging malaki ang gagawing promotional tour ng Top Rank at Golden Boy Promotions para sa non-title welterweight fight nina Manny Pacquiao at Oscar Dela Hoya.
Ito ang siyang tiniyak kahapon ni Bob Arum ng Top Rank sa panayam ni Dennis Principe sa kanyang radio program na ‘Sports Chat’ sa DZSR para sa naturang banggaan ng 29-anyos na si Pacquiao at ng 35-anyos na si Dela Hoya sa Disyembre 6 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay Arum, mas magarbong promotional tour ang kanyang ihahanda para sa Pacquiao-Dela Hoya fight kumpara sa Pacquiao-David Diaz world lightweight championship noong Hunyo.
“It will be much more intensive than it was for Pacquiao-Diaz,” ani Arum. “We have a tour with private planes across the country starting from New York and going to Texas, Houston, San Antonio and then Chicago, San Francisco, Los Angeles.”
Nakatakdang magtungo si Pacquiao, ang bagong World Boxing Council (WBC) lightweight champion, sa United States sa Setyembre 14 para simulan ang kanilang training session ni Freddie Roach sa Wild Card Gym sa Hollywood, California.
“It’s an intense tour that will take an entire week starting on October 1 in New York. Through HBO, they will be doing what we call a 24-7 show. It’s a four-hour plus program showing Manny and Oscar training. How they spend their time in training camps, what’s happening back-stage, strategies and so forth,” wika ni Arum. “It will be shown on HBO three weeks before the fight.”
Ang nasabing Pacquiao-Dela Hoya fight ay tinawag na “Dream Match”, dagdag ni Arum.
Kaugnay nito, nagsimula nang maubos ang ticket para sa naturang laban mula na rin sa reklamo ni Fil-Am tennis player Cecil Mamiit. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending