Sa unang pagkakataon matapos ang mga Squires noong 2000, nagposte ng isang 12-game sweep ang nagdedepensang Staglets.
Ginawa ito ng San Sebastian College-Recoletos nang biguin ang Jose Rizal University sa overtime, 97-88, para ibulsa ang unang outright finals ticket sa 84th NCAA juniors’ basketball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“Sarap ng feeling ng maka-sweep, we always think one game at a time,” wika ni coach Raymond Valenzona, hinawakan ang Staglets noong 2000, ang taon kung kailan winalis ng Letran Squires ang double-round eliminations.
Nasa San Sebastian ngayon ang pagkakataong angkinin ang kanilang pang apat na sunod na korona matapos magdomina noong 2005, 2006 at 2007 mula sa pagbibida nina Eric Salamat at Ryan Buenafe.
Itinulak ng Light Bombers ang overtime matapos isalpak ni Louie Vigil ang isang three-pointer sa huling 1.9 segundo buhat sa 68-54 abante ng Staglets sa third period.
Ang basket ni Ric Madlangbayan ang huling nagtabla sa Jose Rizal sa 79-79 sa 3:20 ng extension kasunod ang arangkada ng San Sebastian galing kina Arvie Bringas, Almond Vosotros, Raffy Gusi at Jamil Ortuoste.
Sa ikalawang laro, itinakda naman ng St. Benilde-La Salle-Greenhills (7-5) ang kanilang playoff game ng Jose Rizal (7-5) matapos talunin ang San Beda College, 77-68.
Ang mananalo sa pagitan ng Benglas at Light Bombers ang haharap sa Letran (9-3) na magdedetermina naman sa hahamon sa Staglets, may ‘twice-to-beat’ incentive, sa championship series. (Russell Cadayona)