Inangkin ng defending champion San Beda College ang pangkalahatang pamumuno at nagkaloob sa kanila ng unang slot sa Final Four matapos ang 91-74 pananalasa sa College of St. Benilde sa pagpapatuloy ng 84th NCAA men’s basketball tournament na nagpatuloy kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay.
Kinailangan munang makatikim ng salita ng Red Lions mula kay coach Frankie Lim matapos silang dominahin ng CSB Blazers sa first half bago bumawi sa ikalawang bahagi ng labanan.
“Sabi ni coach (Lim) we cannot take any team lightly, kaya nu’ng third quarter talagang dumepensa kami ng husto,” wika ni forward Ogie Menor.
Nilimitahan ng San Beda sa siyam na puntos lamang ang St. Benilde sa ikatlong quarter upang agawin ang liderato sa pagposte ng kanilang ikasiyam na panalo sa 12-laro.
Tumapos si Menor ng 35-puntos, 15 nito sa first half at ang 13 ay sa ikatlong quarter lamang na kanilang tinapos sa 68-55 kalamangan papasok sa final canto.
Sibak na nga sa kontensiyon, bumagsak pa ang Blazers sa 4-8 panalo-talo.
Sa unang laro, nailista naman ng San Sebastian College ang ikapitong sunod na panalo matapos ang 52-43 pamamayani laban sa dating leader na Joe Rizal University.
Umangat ang SSC Stags sa 8-3 record at ngayon ay katabla na nila ang kanilang biktimang JRU Heavy Bombers na lumasap ng kanilang ikalawang sunod na talo at nakaaangat sa kanila ang walang larong Letran College na may 8-3 kartada.
Kontrolado ng Blazers ang first half. Huli nilang nahawakan ang trangko sa 55-52, 6:21 minuto pa ang natitira sa ikatlong quarter bago lumayo ang Bedans na nagtala ng kanilang pinakamalaking kalamangan na 17-puntos, 83-66, matapos ang layup ni Pong Escobal sa huling 4:12 minuto ng final canto.
Tulad ng San Beda, mahina rin ang simula ng SSC Stags ngunit nakabawi sila sa second half tungo sa kanilang tagumpay.
“Hindi kami makatakbo sa first half, puro set plays kami and we only shot 26 percent,” pahayag ni San Sebastian coach George Gallent. “When we started running in the second half, doon gumana ang aming offense.”(Mae Balbuena)