MERSIN, Turkey — Nakopo ni GM Wesley So ang kanyang ikalawang sunod na individual gold medal sa board 1 habang nakuntento sa ikatlong puwesto ang Philippines sa likuran ng India at Russia sa pagtatapos ng World Under-16 Chess Olympiad sa Mersin Great Municipality Sports Hotel dito.
Dahil nakipag-draw sina So at Jan Emmanuel Garcia kontra sa mas maba-bang ranggong Turkish na kalaban, isinara ng Pinoy ang kanilang kampanya sa prestihiyosong torneo na ito na may 3-1 panalo sa Isek-Turkey at makaipon ng kabuuang 27 puntos.
Dinimolisa ni NM Haridas Pascua si Benan Kazdagli, habang dinurog naman ni Alcon John Datu si Tevfikcan Karanfil para sa dalawang panalo ng mga Pinoy.
Si So, isa sa dalawang GM na naka-pasok sa torneo ay nakipagdraw naman kay untitled Nasir Ekin Zeytinoglu sa board one habang si Garcia ay nakipag-hatian ng puntos kay Ehsat Baglan sa board four.
Bagamat nakipag-draw, nasungkit pa rin ni So ang kanyang ikalawang individual gold medal.
Nagtapos ang 14 anyos na si So na may naipong 9 puntos sa 8 panalo at dalawang draw para sa mataas na 90 percent performance rating.
Sa kabuuan, ang mga Pinoy ay nagtapos na may isa at kalahating pun-tos sa likuran ng India at top seed Russia na nagtabla sa unang puwesto sa kanilang 28.5 puntos.
Ngunit nakuha ng India ang titulo sa bisa ng mas mataas na tiebreak scores laban sa Russia.
Ito ang ikalawang sunod na titulo ng India na nagtala ng 3.5-.5 panalo sa 9th seed England mula sa tagumpay nina IMs B. Adhiban at S.P. Sethuraman at FM K. Priyadharshan.