Ibibigay ang lahat ng Pinoy wushu players

BEIJING -- Ibibigay ng apat na Pinoy wushu players ang lahat ng kanilang lakas upang mabigyan ng karangalan ang bansa kahit na ang kanilang sports na sasalihan ay special event lamang dito sa 29th Olympics Games.

Ito ang siniguro ni Wushu president Julian Camacho, makaraang makipagpulong ito at ang iba pang officials sa mga atletang Pinoy sa kanilang apartment sa loob ng Olympic Village.

“They are all ready,” wika ni Camacho, na pinangakuan din ng monetary reward ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bago umuwi ng Pinas ang Pangulo.

“We are not thinking of the reward. We are thinking of how much we can do to give honor to our country,” ani Camacho, na treasurer din ng Philippine Olympic Committee.

“If we are rewarded if we win, we’d be thankful. If not, it’s okay with us,” dagdag pa niya.

Ang 4-man squad ay binabanderahan ni reigning world champion Willy Wang, na sasabak sa nanquian o forms at isa sa paborito sa naturang event.

Ang tatlo pang kasali ay sina Benjie Rivera, Mary Jane Estimar at Marian Mariano na lalahok naman sa sanshou o combat events ng sports na magsisimula sa Agosto 21.

At upang ipakita kung gaano kahalaga ang Olympics sa kanila, ang apat na atleta ay apat na buwang nagsanay dito sa Beijing sa ilalim ni Lester Pimentel, ang 1995 world champion.

 “Pinaghandaan talaga nila ito maski na special event lang,” pahayag ni Camacho, na nagsabi sa mga Pinoy sportswriters na nangako ang Pangulo na magbibigay din ng P15M sa magwawagi sa wushu nang bumisita ito sa Village.

Ngunit pinabulaanan naman ito ni Chief of Mission Monico Puentevella na sinabi ito ng Pangulo kay Camacho.  “Ang laki nun. Hindi ko narinig na sinabi ng Presidente yun,” ani Puentevella.

Nagwagi si Arianne Cerdena ng gold medal sa bowling, habang nakasilver naman sina Stephen Fernandez at Bea Lucero sa taekwondo nang itanghal ang kanilang sports bilang demonstration sports noong 1992 Barcelona Olympic, at 1988 Seoul Olympics.

Show comments