BEIJING -- Habang naghihintay si Pinoy boxer Harry Tañamor ng unang pwedeng biyahe pabalik ng Maynila, darating naman ngayon ang dalawang Pinoy taekwondo jins upang pasanin ang pangarap ng Team Philippines na makakuha ng medalya na lumalabo na sa 29th Olympic Games dito.
Nasa kamay na nina Marie Antoinette Rivero at Tshomlee Go ang mabigat na tungkulin na makapag-uwi ng medalya ng kahit anong kulay para sa Philippine team, na patuloy ang pagdausdos sa pinakamalaking sporting spectacle sa lahat.
“Given the rigid preparations they made, and hoping for fair officiating, we are very optimistic that they (Go and Rivero) will give us a medal,” wika ni Philippine Olympic Committee president Peping Cojuangco sa pagdating ng dalawang jins kasama ang mga coach na sina Kim Hok Sik Raul Samson at Stephen Fernandez.
Kapwa nasa ikalawang pagsali sa Summer Games, sina Rivero at Go ay dalawa sa tatlong atletang binigyan ng malaking tsansa na masungkit ang Olympic medal sapul nang huli itong makuha ni Mansueto ‘Onyok’ Velasco na naka-silver sa 1996 Atlanta Olympics.
Walang suwerte at ang kampanya ni Tañamor ay hindi man lang tumagal ng isang araw.
Noong Miyerkules ng gabi, nalasap ni Tañamor ang 3-6 kabiguan kay Manyo Plange ng Ghana sa Worker’s Stadium.
Nakuha ni Rivero ang tiket patungo sa Beijing nang umabot ito sa finals ng Asian qualifier noong Disyembre sa Ho Chi Minh City habang si Go naman ay nakatuntong sa semis sa 2007 Manchester qualifying para makaderetso sa Beijing.