Krusiyal na Game 5 para sa Ginebra

Ngayong nakabawi na ang Barangay Ginebra, hangad nilang kunin ang kalamangan sa serye at makalapit sa tiulo ng Smart PBA Fiesta Conference.

Muling magsasagupa ang Gin King at Air21 sa Game-Five ng kanilang umiinit na titular showdown ngayong alas-7:00 ng gabi sa pagdako ng finals action sa Cuneta Astrodome.

Ngayong tabla na ang best-of-seven championship series sa 2-2, parang best-of-three na lamang ang serye at ang mananalo ngayon ay may twice-to-beat advantage na.

Kahit hindi pa rin lumaro si Jayjay Helterbrand na nagkaroon ng hamstring injury, nagawa pa ring manalo ng Ginebra sa 90-77 panalo matapos kumawala sa fourth quarter ang Gin Kings.

Nabura ng Ginebra ang kanilang 97-87 pagkatalo sa Game-Three at ang nakakahiyang 124-90 kabiguan sa Game-Two matapos kunin ang opening game ng serye sa 105-96.

Inaasahang lalaro na ngayon si Helterbrand, ang Best Player of the Conference, upang tulungan ang Gin Kings at kung magkakagayon ay mahihirapan ang Air21.(MaeBalbuena)

Show comments