BEIJING -- Nagtapos na pang-anim sa kanyang heat si US-based Miguel Molina at mabigong pantayan ang kanyang mark ng gabuhok lamang sa kanyang paglangoy at di pagpasok sa 200m breaststroke semifinals ng swimming competition sa Water Cube kagabi.
Naorasan si Molina ng dalawang minuto, 16.94 seconds, may .32 seconds na mababa sa kanyang Philippine record na 2:16.62 sa heat na pinamunuan ni Portuguese Carlos Almeida (2:13.34).
Sasamahan ni Molina si James B. Walsh na kabilang sa 48 swimmers na manonood na lamang sa mga bigatin ng naturang sport na nagpapatuloy sa record-breaking feat sa kanilang hightech Speedo swimsuits.
Gayunpaman, malakas pa rin ang loob ng 24 anyos na Southeast Asian Games quadruple gold medalist sa kanyang paglangoy sa pool event sa kanyang paboritong 200m IM kung saan umaasa siyang mawawasak niya ang kanyang RP at SEAG mark na 2:03.57.
Sasabak din sa aksiyon sina Christel Simms sa 100m freestyle, Harry Tañamor sa lightflyweight division ng boxing at Mark Javier sa unang round ng individual event sa archery.
Sa kasalukuyan, tatlong atleta ang nakapagtala ng Philippine standards dito sa Olympics mula kina Hidilyn Diaz sa weightlifting, Walsh sa 200m butterfly sa swimming at Mark Javier.
Binura ng 17 anyos na si Diaz ang kanyang sariling marka na 180 kg. sa binuhat na 192 sa 58 kg. weightlifting competitions.
Si Walsh, 21 anyos ay naorasan naman ng 1:59.39 sa pagwasak sa Philippine record na 2:00.42 na kanyang inilista sa Conoco Philips USA Swimming Championships noong July 31 noong nakaraang taon.
Umiskor naman ng 654 si Javier sa ranking rounds upang sirain ang kanyang sariling Philippine record na 643.